Home

Iniisip ko ngayon ang mga palabas na pinapanood ko na hindi sitcom. Nariyan ang Supernatural, Defiance, Game of Thrones, Utopia, Doctor Who. Ang kaso, itong Utopia, dalawa (sa anim) na episode pa lang ang pinapanood ko. Sa Doctor Who, sa kanyang ikapitong series, halos kalahati ang wala na akong balak panoorin. (Hindi gaanong maganda ang finale, “The Doctor’s Name,” mas maganda pa rin ang “The Wedding of River Song” mula sa ikaanim na series.) Ang Game of Thrones, pinapanood ko dahil ayaw kong basahing muli ang mga nobela. Ang Defiance, hindi ko nga maalala kung bakit ko pinapanood, hindi naman s’ya kagandahan. Sinubukan ko rin nga pala ang Da Vinci’s Demons pero dahil hindi naman si Alexander Siddig ang bida, di ko na rin tinuloy. Hindi ko man lang nga tinapos ang unang episode, sinukuan ko nang magsimula ang sex scene. (Kinumpleto ko nga pala ang US Being Human, pero matagal ko na s’yang narebyu kaya di s’ya kasama sa meditasyong ito.)

Samantala, tuloy naman ang pagkain ko ng mga sitcom. Kahit hindi ko na pinapanood ang The Simpsons at hindi sapat ang pagkahilig sa The Cleveland Show para buuin ito, tuloy pa rin ako sa Family Guy, American Dad, The Big Bang Theory, Community, Parks and Recreation, Modern Family, Archer, at Veep. Sinubukan ko rin ang isang episode ng Legit at baka subukan ang higit pa sa isang episode ng Maron. Bagaman kayang magpatawa ng mga di-sitcom (samantalang hindi kayang mag-aksyon ng mga sitcom, pwera Archer), at kung gayon ay mas mahusay (dahil mas malawak ang kayang hawakan), mas tinatangkilik ko pa rin ang mga sitcom. Siguro kasi, mas madaling magpatawa kaysa mag-aksyon? O, mas maliit ang expectations ko pagdating sa sitcom? (Parang porno lang, basta may suso ayos na.) O, hindi kailangang mag-invest sa sitcom at kung gayon ay mas mabuti itong karelasyon (sumpa kasi sa di-sitcom ang pangangailangan ng payoff sa finale. Kaya nga disappointing ang Doctor Who).

Indikasyon ba ang kamatayan ng sitcom na masaya ang mga Filipino? Kaya ba kaya nating magliwaliw sa drama, kasi maligaya tayo?

Kasalukuyan akong nasa ikatlong season ng Malcolm in the Middle. Nakakatawa, bagaman meron minsang yakapan at pagkatuto (na, kung kailangan ko pang ipaalala, bawal). Mukhang ang unang season lang pala ang paulit-ulit na pinalabas noon sa Channel 9. Nito lang din pinanood ko ang isa sa pinakapaborito kong episode ng Party Down (“Sin Say Shun Awards Afterparty,” kung saan inalok si Ron na maging porn star). Naalala ko tuloy ang finale n’ya, na hopeful, at ngayon tuloy mas lalo akong nalungkot sa series finale ng The Office. Ang dokumentaryo raw na ginawa tungkol sa kanila, sabi ni Pam, ay ang paghahanap ng maganda sa maliit na bagay. Na oo nga naman, pero hindi lang iyon. Protesta kasi ito sa nakaririnding paggawa. Bobo nga si Michael e, kasi bobo ang mga boss. Panay ang prank ni Jim kasi ayaw n’yang magtrabaho, hindi tulad ni Dwight na nakahanap ng identipikasyon sa estruktura ng kapangyarihan.

Pero tama, maganda nga ang maliit na bahay. Sa episode ng Maron na pinanood ko, ang problema n’ya’y takot s’yang kunin ang bangkay ng racoon sa crawl space ng kanyang bahay. Samantalang sa season finale ng Supernatural, nagkandahulog ang mga anghel mula sa langit. Iyon ang tunay na pinagkaiba ng sitcom at di-sitcom: sa sitcom, nagtatrabaho ang mga bida. At kung gayon, ang mga drama ang tunay na pagtakas sa realidad. At kung gayon, ang mga palabas tungkol sa doktor at abogado ay mga sitcom.

Meron ba dapat censorship sa pagpapatawa? Wala. Ang meron dapat ay kritisismo. Pero meron ding dapat political correctness. At siguro ang tanong, bakit rape joke? Bakit hirit sa matataba? Bakit hindi parodiya ng mga nasa kapangyarihan? Bakit hindi pagdiriwang ng paglaban, ng pagtutol?

Nito lang ay natapos ko na rin ang The Complete Prose of Woody Allen. Dapat noon ko pa bibilhin ang The Insanity Defense, na hindi ko binili kasi nakasulat ay complete prose daw ito, pero ang nipis-nipis. ‘Yun pala ay may kulang itong halos sa sampung pyesa, at itong The Complete Prose talaga ang naglalaman ng kabuuan ng Without Feathers, Getting Even, at Side Effects.

Sa kabuuan, mas nakakatawa ang mga pyesa sa Without Feathers. Pinakamahina ang Getting Even, at mahina sana ang Side Effects pero buti na lang nagseryoso si Allen sa ilang pyesa, at dahil may pagbabago naging may mahusay ito. Pinakamalakas ang tawa pag may inuusig si Allen na uri ng pagsusulat, halimbawa’y kritisismo ng literatura sa “Lovborg’s Women Considered,” diaries ala Camus sa “Selections from the Allen Notebooks,” at talumpati sa “My Speech to the Graduates” (na akala ko talaga noong nabasa ko noong noon pa ay totoong speech na dineliver ni Allen). Isa sa ilang seryosong pyesa na nabanggit ko na nga ay ang “The Shallowest Man” ay isa rin sa mga paborito ko. Dapat nga mas maraming ganito na lang ang sinulat ni Allen, kasi mukhang nauubusan na s’ya ng ipaparody.

Nakakadisappoint ang koleksyong Mere Anarchy (bagaman baka magbago pa ako ng isip, lima pa lang naman sa lampas beinteng kwento ang nababasa ko). Una’y nakakarindi ang wika ng eksistensyalismo ng pinaparody ni Allen (so alam mo nang patay ang isang ideya pag pati parodiya nito’y gasgas na). Pangalawa’y pare-pareho lang ang estruktura ng mga kwento. Laging may punchline sa dulo, na okay naman sana, kaso mahina. Hindi tulad ng “The Kugelmass Episode” mula sa Side Effects na meron talagang build up, hindi tulad ng “This Nib for Hire” na nag-ending na lang. Medyo okay ang “Calisthenics, Poison Ivy, Final Cut,” dahil iba ang estruktura nito (lihaman).

Sa mga pelikula ni Allen ang napanood ko pa lang ay Bananas, Everyone Says I Love You, Whatever Works (na panget, patawarin mo ako Larry David), at Manhattan Murder Mystery. Konti talaga.

Kasalukuyan kong hinihintay ang kopya ko ng Dogma, ikalawa sa trilohiya ni Lars Iyer. Nabasa ko ang ang una sa serye (Spurious, na Magma ang pamagat sa salin sa Espanyol) at ang huli (Exodus). Binasa ko s’ya dahil sa excerpt na nabasa ko kung saan minamaliit ng narrator ang sarili at ang kaibigan n’yang si W. sa pamamagitan ng pagkukumpara sa kanilang kawalang-silbi kumpara kay Badiou. Bagaman mas nakakatawa ang Exodus kaysa sa Spurious, may joke tungkol kay Zizek, halimbawa, at mas may aksyon, protesta laban sa cuts sa edukasyon, mas mabilis kong natapos ang unang libro. Siguro kasi, nakakapagod ang estilo ni Iyer. O siguro, dahil na rin nga sa askyon mismo. Nasanay na kasi ako sa modong sinimulan ng Spurious, wala dapat banghay, wala dapat nga karakterisasyon e. Iniisip ko lagi na dapat nakakatawa ang mga nobelang walang aksyon, kasi nga iyon ang kapalit ng kawalan ng excitement sa plot. Pero dahil sa mga librong ito napag-isip tuloy ako. Baka nga dapat mas lalo pang walang patawa, kasi mahinang subsitute ito para sa banghay. At isa pa, ang punto mo nga bilang manunulat (bagaman dapat walang punto ang manunulat) ay ang itaob ang pangangailangan sa banghay. Bakit ka magbibigay ng kapalit nito? Nagmumukha tuloy na importante ito, kaya kailangang may suhol sa mambabasa na kapalit nito.

Hindi siguro, bakit natin kailangang matawa? Baka naman nakasanayan lang natin itong kailanganin. Baka dapat, bukod sa pagtawa, ano? Bukod sa sitcom at di-sitcom, ano? Baka ang meron lang tayo’y pagkabagot at pagkabato, at ang paglilista ng mga nakabigo sa atin.

Leave a comment