Home

Kung iisang pelikula lang ang dalawang tomo ng Kill Bill, mas pangit sa kanila ang Django Unchained. Kung magkaibang pelikula sila, mas maganda ang Django sa volume 1. Buti na lang may Deathproof at Jackie Brown, kundi, Django na ang pinakapangit na pelikula ni Tarantino na napanood ko. (Inaalala ko ngayon ‘yung episode ng CSI na s’ya ang direktor, kung pati ba ‘yon mas maganda kesa dito.)

Dalawa ang pangunahin kong reklamo tungkol sa Django Unchained. Una, pinatay nila si Schultz (Christoph Waltz). Sige, naintindihan ko namang kailangang mangyari ‘yong para tumakbo ang banghay, pero sana nabuhay s’ya hanggang showdown.

django-unchained

At iyon na nga ang pangalawa kong reklamo. Walang showdown. Nang mapatay na si Gatsby este si Candie (Leonardo DiCaprio), wala nang natirang big boss. Akala ko si Stephen (Samuel Jackson iyon), kasi pinapakitang iba ang mukha n’ya sa harap ng iba at pag si Candie lang ang kaharap. Nang ibagsak nga n’ya ang kanyang cane sa huling confrontation nila ni Django (Jamie Foxx), akala iyon na, may nakatago s’yang baril at magkakaroon ng shots ng kanilang mga mata. Pero walang binaril kundi convention.

Huling reklamo, wala lang talagang silbi si Broomhilda (Kerry Washington). Hindi man lang s’ya keri.

Ngayong nakapag-isip, iyon lang naman talaga ang ayaw ko sa pelikula. So hindi ito pangit tulad ng Deathproof at Jackie Brown (na, sa totoo, ay hindi naman talaga pangit). Mababa lang ito sa listahan ng mga magandang pelikula ni Tarantino. Ang least beautiful.

Pero marami naman talagang itong kaibig-ibig na katangian. Tulad na lang halimbawa ng performance ni Leonardo. Tuwang-tuwa ako sa kanya, perpektong kontrabida. Tinalo lang s’ya ni Samuel Jackson (lalo na ‘yong sobrang pekeng totoong tawa n’ya sa mahinang joke ni Leonardo, “Two weeks!”).

Isa pang maganda’y ang eksena ng mga racist na nagrereklamo tungkol sa kanilang hoods. Iyon siguro ang eksena ni Sacha Baron Cohen na, iyon nga, si Jonah Hill ang gumanap.

Naalala ko ‘yung nakita ko si Tarantino sa Gateway tas hindi ako nakapagpapicture o nakapagpa-autograph man lang. Nakakahiya. Anyways, gusto ko rin ‘yung eksena kung saan pinasabog s’ya ni Django. Ako lang ba o nananaba si Tarantino?

Kung tutuusin, dahil sa “moral” nito laban sa pagkalimot sa kasaysayan ng Estados Unidos sa pang-aalipin, mas maganda ang Django Unchained kaysa sa Kill Bill (syempre, sa “may ‘moral’ man o wala” category, panis pa rin s’ya sa Reservoir Dogs at Pulp Fiction). Hindi historically accurate ang Django, pero hindi ito kailangan para sa isang gawa ng Imahinasyon. Pero, iyon nga, tang ina lang ng “morals,” kaya mas maganda pa rin ang Kill Bill.

Ito yata ang taon ng disappointment. Hindi ako na-wow ng John Dies at the End, at ngayon naman kapos pa rin ‘tong Django Unchained. O well, at least nagustuhan ko ang A Memory of Light. Baka mas madaling makaplease ang mga libro kesa mga pelikula? O baka naman paalala ito na, labas sa usapin ng sfx, pantay lang naman ang mga gawa ng Hollywood sa gawang Filipino?

Leave a comment