Home

Fanservice ang pundasyon ng tagumpay ng kulturang popular na lumalago sa Internet era. Sa fanservice, naroon ang ideyang pinapahintulutan ng mga iniidolo na masilip ng kanilang audience ang katotohanan, pero naroon din ang ideyang alam ng audience na ang “katotohanan” ay limos lang. Ang limos ay binubuo ng iba’t ibang signos at simbolo base sa (ideya ng) katotohanan na sa huli’y, ang mga signos at simbolo ang mas nagiging totoo–at dahil sa dami nang manlalaro, at ng signos at simbolo, walang kontrol ang fanservice–ang siyang tanging totoo. Patay ang katotohanan, pero hindi naman ito umiral noon pa man, kaya wala itong pagkakataong mamatay. Ang importante ay ang mga signos at simbolo na siyang buhay.

Halimbawa: Kryber is real. Ang Kryber ay isang romantikong tambalan sa pagitan ng dalawang miyembro ng mga idol o bandang f(x), sila Krystal at Amber. Maraming “marahil” sa pagkapanganak ng OTP na ito. Marahil mukha kasing lalaki si Amber kaya kahit kaninong babae siya pinapares. Marahil maraming may gustong maging lesbiyana si Amber para matupad ang kanilang pangarap o imahinaryong tsansa sa kanya. Marahil lahat ng pagpapares ay umiiral sa k-pop idols at silang dalawa lang ang may chemistry (aesthetically and stereotypically speaking) kaya ang tambalan nila ang nakakalap ng mapusok na shippers. O ang pinaka-pinapangarap ng shippers, marahil mayroon talagang namamagitan sa dalawa at nagtra-translate ito sa kanilang mga larawan, performance, at mga interbyu.

Sa paghahabi-habi ng lahat ng “marahil,” nawawalan na nang saysay na itanong pa kung paano ipinanganak ang OTP dahil nga iba-iba ang dahilan ng bawat fan, at ang kailangang tingnan ay ang pinagkakapare-pareho nila, ang iisang ekspresyong namumutawi sa kanilang bibig: Kryber is real. Sa isang deklarasyong nagpupumilit sa katotohanan ng isang bagay, gumagawa ang fans ng iba’t ibang akda para maging ebidensiya ng pag-iibigan nila Krystal at Amber. Nariyan ang mga fancams na humuhuli sa sweet moments ng dalawa. Nariyan ang mga clips mula sa mga interbyu o performance na ini-slow mo ang shot nila Krystal at Amber, at pagkatapos ay lalapatan ng romantikong kanta, minsan naka-loop pa ang tinaguriang “Kryber moment.” At siyempre, nariyan ang fanfics para matulak ang limitasyon ng mga kilos, galaw, at diyalogo nila Krystal at Amber sa tanging konklusyon na ninanais ng fans: Kryber is real.

Hindi tanga ang f(x) kaya sila mismo’y pinapaypayan ang apoy ng ganitong tambalan. Sila Krystal at Amber mismo ay nanadyang kumikilos (mula entablado hanggang sa kanilang mga twitter at instagram) sa paraang sinasabi nilang may namamagitan nga sa kanila, para mayroong ma-i-loop sa youtube o may materyal para sa fanfic ang isang Kryber shipper. Hindi naman tanga ang audience para hindi ito mapansin, pero sige lang.

Naroon ang pakiramdam ng fans na wala namang sinasalamin ang kanilang mga nahahanap na “ebidensiya” pero ito ang kanilang kinikilalang laro. Hindi na inuusig pa ng mayorya ang dalawa dahil kampante na sila sa kanilang komyunidad nang mga bidyo at fanfic at ang intermittent fanservice mula kay Krystal at Amber. Alam nilang mapanganib na tanggalin ang mga maskara dahil maaaring walang nasa likod nito, na siya ring dahilan kung bakit patuloy nilang hinahanap ang ninanasang nasa likod ng mga maskara sa mga maskara o paggawa ng maskara. Kailangan ng fans ng mapanghahawakan sa kaalamang hindi sila naniniwalang may panghahawakan.

Classic case ng chicken and the egg (noong di pa nasasagot ng siyensya na nauna ang itlog salamat sa ebolusyon). Sa pagnanasa ng dalawang kampo (Kryber at ng audience) na magkaroon ng chemistry sa dalawa, sumasabog ang mga signos at simbolo mula sa parehong kampo. Wala nang makakapagsabi kung may basehan man o hindi ang Kryber. Hindi nito kailangan ng basehan. At sa pamamagitan ng iba’t ibang akdang nilalathala sa Internet, totoo na siya ngayon, hyperreal.

Halimbawa: mga kodigo ni Taylor Swift. Sikat si Taylor Swift sa kanyang mga romantikong relasyon na kadalasa’y na-o-overlook ang talento niya sa pagsusulat at pagpalaganap ng kanyang mga kanta. Subalit hindi mas mahalaga ang isa kumpara sa isa, dahil natutulak ni Swift sa lohikal na konklusyon ang “personal is political,” bilang babae sa isang industriyang hayok at bipolar sa paglaplap ng buhay niya habang gusto siya nitong patahimikin, sa pamamagitan ng pagsasa-hyperreal nito. Ang ugnayan ng mga romatikong relasyon, ang kagalingan niya sa pagpinta ng sandali, at ang estratehiya niya sa paglalagay ng mga “kodigo” sa kanyang lyrics ay nararapat obserbahan sa lawak ng kaniyang impluwensiya.

Kamakailan lang ay may meme na kumalat na gustong idiscredit ang pagiging judge ni Nicki Minaj sa American Idol sa pagkukumpara nito sa kakayahan ni Taylor Swift magbigay ng relationship advice. Ito ang isang sikat na persona ni Swift sa mga taong hindi pa naririnig/nada-digest ang kanyang notable one-liners sa mga kanta niya tulad ng “life makes love look hard” o “who you are is not what you’ve been.” Hindi importante kung may sense ang pananaw niya sa pag-ibig o buhay sa kanyang mga kanta, dahil bilang “tao” ay hindi siya maaaring maghatid ng advice. Para sa kanila, boy crazy si Swift. Pero marahil, sa dahilang hindi naman lohikal. Mayroon bang numero ng mga ex na kailangang maabot para maging boy crazy? Kapag hawak ang kombinasyon na mayroong mga ex at puro love songs ang ibinebenta, boy crazy na?

Kapag hindi masagot ang mga tanong na ito, dina-divert ang kritisismo kay Taylor Swift sa kanyang pagiging “taklesa.” Ipinapako sa krus si Swift sa kanyang mga aksidente at kalkuladong pagkadulas tungkol sa kanyang mga ex sa mga interbyu at kanta. Immature daw siya. Reklamo daw siya nang reklamo na parang alam nila ang buong kwento sa likod ng mga interbyu at kanta ni Swift. Anong karapatan n’yang ilantad ang mga detalye ng kanyang pakikipagrelasyon! Na para bang hindi iyan ang hinuhukay ng publiko sa lahat ng iniidolo nila. Hindi ba sila makapaniwala na pwedeng magkaroon ng papel ang idolo sa pagbibigay ng mga detalye? Dahil ba gusto nila ng old-school thrill na sila ang maghahanap ng mga detalyeng ‘to?

Mula sa punto de bista ng mga taong nag-su-subscribe pa sa old-school thrill, mayroong pagpapanggap na ginagawa si Swift. Mayroon siyang kinukubli o pinapalabis na katotohanan. Pero nasa lebel na ng simulasyon si Swift na siyang nagbabanta’t bumubuwag sa pagitan ng kung anong totoo at anong huwad. Ang kanyang mga kantang may detalyeng “tanned skin” o “left my scaf there at your sister’s house” ay may sarili nang buhay. Hindi na importante kung “tunay” itong tungkol kay Taylor Lautner o kay Jake Gllynehaal, “tunay” na ito para sa fans (at tabloids). Hindi na importante kung naiwan nga ang scarf sa bahay ni Maggie Gllynehaal o ginamit lang ang detalyeng iyon para ipaalam na ang tauhan sa kanta ay si Jake, para sa lahat ng mga nakikinig ng kantang naglalaman ng lyrics na ito, naiwan nga sa bahay ni Maggie ang scarf habang sa likod ng kanilang utak ay iniisip na may tsansa pa ring joke time lang ang lahat–isasabahala na lang ng utak ang nasabing tsansa dahil ang malinaw na imahen naman ng lyrics ni Taylor Swift ang makapangyarihang mananaig.

Kung gayon, marahil kaya maraming nagagalit kay Swift ay dahil sa kanyang pagpayag na paglahok, o mas higit pa, pagyakap sa hyperreality. Nirerepresenta niya ang nakakatakot na posibilidad na kapag ginago nila ang kanilang babae (o kapwa), pwede itong magkaroon ng papel sa paghubog ng imortal na imahen tungkol sa kanila. Kumabaga, dahil ayon sa kantang “Dear John” ay manipulative bitch si John Mayer, manipulative bitch na nga si Mayer. Hindi na makokontrol ang imaheng ito dahil apat na henerasyon mula ngayon, sinong makakapagtanggol kay Mayer sa mga akusasyon ng kanta? Hindi na importante kung may one-to-one correspondence sa “katotohanan” ang mga detalye ng kanta dahil hindi nito kailangang maging rasyunal. Hindi nito kailangang sukatin ang sarili sa isang ideyal o negatibong modelo dahil nabubuhay nang mag-isa ang konseptong manipulative bitch si Mayer. Hindi na totoo ang anumang “katotohanan” dahil wala nang bumabalot ditong likhang-isip–bilang may sarili nang katotohanan o hyperreality (at hindi na likhang-isip) ang konseptong manipulative bitch si Mayer.

Hindi na importante kung talagang “actress known better for the things that she does on the mattress” nga si Camilla Belle, ang kantang “Better than Revenge” ay pinatugtog na at nagpalipad na ng senyales na ngayo’y patuloy na naglalakbay sa kalawakan sa speed of light. Dahil sa kalikasan ng musika, patuloy itong maglalakbay sa kalawakan sa darating na milyun-milyong taon. Habambuhay nang kontrabida si Belle at lahat ng kaaway ni Taylor Swift.

6 thoughts on “Simulakra at Simulasyon: Kryber is Real at ang mga Kodigo ni Taylor Swift