Home

Sa sansinukob ng Being Human, lason ang dugo ng taong-lobo sa bampira. Pero dito sa ikatlong season ng palabas (adaptasyon ng Estados Unidos ng orihinal mula sa Inglatera), nagkataong ang dugo ng taong-lobo ang gamot sa virus na pumapatay sa mga bampira. Isa pang pihit: ang virus ay mula sa mga tao, na s’yang pagkain ng mga bampira. Ang lason, kung gayon, ay gamot, at ang pagkain ay sakit. Hindi ba’t pagsasalin lang ito ng katotohanang alam na natin lahat, na wala naman talagang mga bagay, dahil ang bawat bagay ay lahat ng bagay?

http://images4.fanpop.com/image/photos/17200000/Being-Human-wallpaper-being-human-us-17263897-1920-1200.jpg

Pwede kayang ilista ang pinakamahinang punto ng season at patunayang ang mga ito ang pinakamalakas ng palabas?

Una, bakit pa kinailangan ng kontrabidang si Liam na gamitin ang teenager na si Erin para lasunin ang bidang bampirang si Aiden sa ikaanim na episode, samantalang sa ikawalong episode ay napakadali naman niyang makidnap ito?

Pangalawa, sa ikapitong episode, napakadaling patayin ni Liam si Erin para lang hindi mahalata ng mga bidang taong-lobong sina Josh at Nora ang kanyang pagiging kasangkot sa paglason kay Aiden, patunay na ubod ng sama ni Liam, samantalang sa ikalabing-tatlong episode, kung saan inamin ni Nora na ito ang pumatay sa anak ni Liam, hindi man lang nahalatang nagalit ang kontrabida.

Pangatlo, paanong napakaraming alam ni Aiden tungkol sa mga bruha, at nalaman n’yang ang puso ng bidang zombing si Sally ang solusyon para matalo ang kontrabidang si Donna?

Para lubusang maintindihan ang sitwasyong ito, kailangang ipasok ang isyu ng rewatchability. Ang problema sa mga palabas na masikip ang arc, tulad ng Lost at Breaking Bad, para panoorin muli’y kailangang panoorin muli nang buo.

Binibigay ng mga palabas tulad ng Being Human ang permiso sa mga manonood na tumalon-talon sa panonood. Kumbaga’y kolboy, imbes na asawa. Hindi kailangan ng commitment, at sa totoo nga’y pag nag-commit ka, ikaw ang magdurusa dahil mapapansin mo ang mga butas tulad ng mga inilista ko sa itaas. Binibigyan ka nila ng permiso na wag manood ng telebisyon. Ang telebisyon mismo ang gamot sa sakit na s’yang telebisyon.

Sapagkat ano nga ba ang sinasabi nating kalayaang nabibigay ng Internet, ng mga serbisyo tulad ng Youtube at mga programa tulad ng torrent? Magkakaroon na ang manonood ng kontrol sa kung ano ang kanyang panonoorin, kung kailan at saan s’ya manonood. Pero sa huli, nanonood pa rin s’ya.

Kahit sunod-sunod (o sabay-sabay) mong panoorin ang The Wire, The Sopranos, at The Shield, hindi ka pa rin: nagpipinta, naglalakbay sa iba’t ibang bansa, umaawit, nakikipagtalik, nag-aalaga ng aso, nag-eehersisyo, nagsusulat. Ang manonood ay kumukunsumo pa rin, bagaman nagagawa pa rin n’yang umalis sa harap ng telebisyon/computer para lumikha paminsan-minsan.

Malamang nga, ang tanging mas matindi sa pag-aalipin sa ating atensyon ay ang paglalaro ng video games at pag-iinternet. Ang sinasabing nagliligtas sa atin mula sa kaboringan ng buhay ang s’yang nanlilinlang sa atin na hindi nakakabagot ang pag-iral. Ano nga ba ang solusyon kundi ang mas pang panonood, mas pang pagkalunod? O, ang pagtalikod mismo sa ganitong pagsasaayos ng ating sansinukob.

Leave a comment