Home

Wala namang pasikot-sikot sa Thy Womb. Tungkol ito sa “pangkaraniwang” buhay ng isang midwife na Badjao na hindi kayang magbuntis. Linear ang takbo ng naratibo. Mayroong set-up ng mga tauhan (Mag-asawang walang anak at nag-ampon na dati so  foreshadowing sa magaganap na conflict, dyaraaaaan–conflict! Sa ikalawang eksena pa lang, anong pinagsasabi ni Jessica Zafra?), pagpinta ng lugar (Hindi Maynila! Yehey?), mayroong mga cut-scenes sa mga imahen o metapora (Natinik, yung halamang may tinik, yung mga ibong nagtitinik–dyok), mayroong mabilis subalit mabigat na social commentary tungkol sa giyera bilang background (May nagbabarilan? Ituloy ang party! Parang Maynila pa rin naman pala), mayroong conflict, mayroong open-ended ending, mayroong cultural exploration (o exoticization depende sa pagbasa sa konteksto ng mismong pelikula sa mga filmfests), at mayroong peminismo (Thy Womb nga e).

Ang hindi ko maintindihan, paulit-ulit na pinagdudukdukan ng diyos kay Shaleha na hindi siya pwedeng magka- anak. Pelikula daw ito tungkol sa paghihintay, pero hindi kailangang maghintay para asarin si Shaleha. Hindi siguro lalagpas ng dalawang eksena bago siya asarin ng mga nangangamustang nanay, mga naglalarong bata, o mga itlog ng pawikan. Higit pa rito, ang hindi ko maintindihan, mayroon namang anak si Shaleha e.

Yung damulag niyang asawa.

Picture from Munting Nayon

Picture from Munting Nayon

Baka naman dahil na sa kagalingan ni Nora Aunor ‘to pero simula’t sapul pa lang, ramdam na ang presensya at kapangyarihang natural na taglay ni Shaleha–in charge, kumpara sa follow-the-leader na Bembol Roco. Si Shaleha ang midwife at assistant niya si Bangas-an. Si Shaleha ang nagligtas, umalalay, at naggamot kay Bangas-an nang mabaril ng mga magnanakaw, siya ang naglunsad sa paghahanap ng pangalawang asawa ng kanyang asawa, siya ang naunang nagdesisyon na ipamigay ang kanyang asawa kapalit lang ng anak, at siya ang nagsusuot ng medyas at sapatos sa kanyang asawa. O sige, nakakasira ng imahen yung huli pero kung pagsasama-samahin: In charge minsan, yaya sa ibang pagkakataon, at all-around nanay.

Pero ang nagpapakinang sa pagkatao ni Shaleha ay hindi ang kanyang pagiging nanay sa kanyang ander na asawa, kundi ang natural na katatagan niya bilang tao. Sa loob ng kahong pinagkaloob sa kanya ng lipunan bilang babaeng hindi kayang magbuntis, nagagawa ni Shaleha na palibutan ang mga limitasyon. Iginigiit niya ang kanyang mga desisyon (Hahanapan na raw niya ang asawa niya ng babaeng magbibigay ng anak dito kaysa magloko pa) sa isang lipunang sa huli’y sumasandal ang pagkiling sa lalake (Wala ngang tubig sa balon, Nora, tsupi na. Oo nga pala, metapora din itong maikling eksenang ito). Pangit ang mga barahang ibinigay kay Shaleha dahil ang tanging pusoy lamang  ng mga babae ay ang kanilang sinapupunan, pero maingat pa ring naglaro si  Shaleha gamit ang mga barahang may limitasyon.

Kung isasantabi ang katatagang ito sa ipinagkalooban ng karapatang natural na nakukuha ng isang nilalang dahil lamang sa pinanganak na lalaki, makikita ang pagiging marupok ni Bangas-an. Hindi naman ander de saya si Bangas-an; ander siya sa lipunang pinapabayaan ang halaga ng babae kapalit ng halaga ng kanyang sinapupunan. Bakas sa mukha ni Bembol Roco ang takot at lungkot nang sabihin sa kanya ni Mersila ang kondisyon ng pagpayag nito bilang pangalawang asawa: sa sandaling mabigyan ni Mersila ng anak si Bangas-an, kailangang iwanan ni Bangas-an si Shaleha.

Baka may pagpapahalaga lang ako masyado sa tagal ng pinagsamahan ng mag-asawa, na sa tingin ko nama’y matagumpay na naisiksik sa loob ng kalahating oras ng pelikula, pero naniniwala akong mas mabigat ang nararamdaman ni Bangas-an para sa kanyang minamahal na si Shaleha kaysa sa pagnanasang magkaroon ng anak. Makikita ito sa paghahanap niya kay Shaleha sa pagkagising niya mula sa sugat ng bala, sa pagregalo niya ng gintong balabal, sa kasiyahan sa pagmamasid sa mga itlog ng pawikan na para bang tinedyer na nagde-date sa parke, at ang kanyang pagtulong at pagluha sa pagtatahi ng banig ng kanyang asawa–isang eksena ng pamamaalam kapalit ng pagyuko sa nakagawian. Mahal siya ni Shaleha kaya pumayag ang babae na pakawalan siya. Mahal siya ni Bangas-an pero pumayag ang lalaking pakawalan siya dahil ito ang nakagawian, dahil ang pagkakaroon ng anak ang pinapahalagahan ng lipunan.

Lumaban si Shaleha. Sumuko si Bangas-an.

7 thoughts on “Thy Womb: Malungkot na Kwento ng Pag-ibig at Marupok na Pagkalalaki sa ilalim ng Patriyarka

  1. Pingback: Thy Womb « Pinoy Rebyu

  2. Maraming salamat sa komento, Marie! At maraming maraming salamat din sa pagbahagi ng rebyu ni Ginoong Braga! Naroon ang iba’t ibang paksa na ninais kong talakayin pero salat pa sa kaalaman o sa pagiging handa. Kaya buti na lang, nirekomenda mo ang rebyu niya. 🙂

    – kler

  3. Men! hehe

    Ang reklamo ko lang parang nalibang masyado si Mendoza sa pag-set ng pelikula. Tulad na lang nung kasal ni Mercedes Cabral na di ko alam kung anong role sa pelikula bukod sa pagiging kaibigan ni Shaleha na ikakasal. Para lang ba to dun sa barilan-ituloy-ang-kasal?

  4. Hi, James! Oo, sa tingin ko para ipakita ang barilan-ituloy-ang-kasal, pero importante rin siya sa:

    1. Pagpapakita ng customs ng kasal, bilang yung pelikula naman ay umiikot sa custom ng panliligaw/kasal/pakikipagrelasyon,etc.
    2. Juxtaposition ng before and after ng mag-asawa, kung saan ang before ay sila Nora at Bembol at ang after ay sila Mercedes.
    3. Juxtaposition sa pagitan nila Mercedes at Nora, fertility etc. Importanteng elemento din ang edad sa usapin ng posisyon/halaga ng isang babae.

    🙂

    -kler

Leave a comment